Ipinagtanggol ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang Executive Order kontra endo o kontraktuwalisasyon.
Ito ang tugon ng kalihim matapos batikusin nina Kilusang Mayo Uno President Elmer Labog at Nagkaisa Leader Renato Magtubo na pumapabor anila sa mga employer.
Itinanggi ni Bello na ang nabanggit na EO ay pumapabor sa mga employer at iginiit na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nabanggit na bersyon ng kautusan sa paniwalang makatutulong ito sa interes ng mga manggagawa at employer.
Gayunman, aminado si Bello hindi tuluyang mapagbibigyan ng gobyerno ang hiling ng mga labor group na tuluyang wakasan ang kontraktuwalisasyon.
Gobyerno mahihirapan sa tuluyang pagbuwag sa kontraktuwalisasyon ayon sa isang labor expert
Posibleng mahirapan ang gobyerno na ipagbawal ang lahat ng uri ng kontraktuwalisasyon.
Ito ang reaksyon ni dating UP School of Labor and Industrial Relations Dean, Dr. Rene Ofreneo makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order kontra “endo.”
Ayon kay Ofreneo, ang nabanggit na kautusan ay isang hakbang patungo sa mas mahigpit na regulasyon sa outsourcing at short-term hiring ng mga manggagawa.
Dapat anyang mapagtanto ng mga labor group na hindi lahat ng trabaho ay maaaring i-regular.
Ipinunto ni Ofreneo na ang tunay na issue ay ang pagwawakas sa pang-aabuso ng ilang employer na nagreresulta sa pangongontrata tulad ng mga manpower agency upang maiwasan ang regularisasyon ng mga manggagawa.
—-