May go-signal na ng pamilya Aquino ang paglilipat sa ibang lugar sa Quezon City ng monumento ni dating senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. matapos na masira sa clearing operations.
Ipinabatid ito ni Quezon City Mayor Joy Belmonte matapos masira ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pundasyon ng monumento sa isinagawang road clearing operations sa kanto ng Timog at Quezon Avenues.
Gayunman, Sa magkaibang lugar nais ng magkapatid na dating Pangulong Noynoy Aquino at Kris Aquino na mailipat ang monumento ng kanilang ama.
Sinabi ni Belmonte na nais ng dating pangulo na ilipat ang monumento ng ama sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife subalit nais naman ni Kris na sa Manila Seedling Bank ilagay ang estatwa ng ama.
Ayon kay Belmonte, sumulat na siya kay Environment Secretary Roy Cimatu para payagang ilipat sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife ang estatwa ng dating senador subalit kung hindi papayag ang kalihim, sa Manila Seedling Bank itatayo ang estatwa.
Ngayong araw na ito inaasahang tatanggalin ng Department of Public Order and Safety ng Quezon City ang estatwa at itatago pansamantala sa isang storage facility bago ito ilipat sa napag desisyunan nang bagong lugar.