Aabot sa 10 milyong pisong pondo ang kailangan ngayon ng National Kidney and Transplant Institute o NKTI para suportahan ang mga pasyenteng may leptospirosis.
Ayon kay NKTI Executive Director Dra. Rose Marie Liquete, nasa tatlong milyong piso na ang kanilang nagagastos simula nang tumaas ang bilang ng mga dinadala sa kanila na may kaso ng leptospirosis.
Sa ngayon , nasa 47 pasyente na ang naka-admit sa NKTI na may leptospirosis kung saan 22 sa mga ito ang nananatili ngayon sa gym ng nasabing hospital.
Batay sa tala ng Department of Health o DOH, nasa 99 na ang namatay dahil sa leptospirosis mula Enero hanggang Hunyo 9 ng kasalukuyang taon.
Habang aabot na sa isanlibo at tatlumpu (1,030) ang kaso ng leptospirosis na naitala sa buong bansa sa kaparehong panahon.
DOH nagbabalang lolobo pa ang bilang ng mga biktima ng leptospirosis
Inaasahang lolobo pa ang bilang ng kaso ng leptospirosis sa bansa dahil sa mga nangyaring pagbaha kamakailan sa ilang lugar bunsod ng malakas na pagbaha.
Paliwanag ni Health Undersecretary Rolando Domingo, posibleng ngayon pa lang hanggang sa susunod na linggo lumabas ang sintomas ng leptospirosis.
Kasabay nito, muling hinimok ni Domingo ang publiko na agarang magpakonsulta sa doktor sakaling makaranas ng sintomas gaya ng lagnat, sobrang pananakit ng ulo, skin discoloration, muscle pain at pamumula ng mata.
Paalala pa ng DOH , huwag lumusong sa mga baha dahil kadalasang humahalo dito ang ihi ng daga na pangunahing sanhi ng leptospirosis.
—-