Hindi na nakakapangolekta ng toll fee ang North Luzon Expressway Corporation (NLEX) sa kanilang mga toll gates na sakop ng Valenzuela City.
Ito ay matapos pormal na ihain ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang suspension order sa business permit ng NLEX kahapon.
Ayon kay Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) Chief Communications Officer Atty. Romulo Quimbo Jr. kabilang sa mga apektadong toll plaza ng NLEX ang Karuhatan-Mindanao Avenue, Karuhatan Harbor Link, Karuhatan-Mcarthur Highway.
Gayundin ang Mindanao Avenue Toll Plaza, Paso De Blas at Lawang Bato.
Kaugnay nito, tiniyak ni Quimbo na nananatiling bukas ang kanilang panig sa pakikipag-usap kay Gatchalian hinggil sa usapin.
Pinag-aaralan din nila ang posibilidad ng pagdulog sa Department of Transportation at Toll Regulatory Board.
Open pa rin naman kami makipag-ugnayan kung paano mareresolve ‘yung problema. Ito po ay binigyang aksyon naman ng city government. Syempre, tinitignan din naman natin, ginagalang naman natin ‘yung aksyon ng city government. Bagamat ganoon na pagsuspinde po ng business permit through an executive order, e, meron din naman tayong legal study kung papaano ba ito ta-tratuhin dahil para sa amin po may difference ang opinion kung paano po ito papatakbuhin. Para sa amin, ito ay regulatory matter, kinakailangang idulog ito sa Department of Transportation at Toll Regulatory Board,” ani Quimbo. —sa panayam ng Santos at Lima sa 882