Kasado na ang preparasyon ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation sa inaasahang pagbigat ng daloy ng trapiko sa pasko at bagong taon.
Inihayag ni NLEX President at General Manager J. Luigi Bautista, na simula kahapon hanggang January 3, 2022 ay paiigtingin nila ang operasyon sa kahabaan ng N.L.E.X. at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) bilang bahagi ng programang “Safe Trip mo, Sagot ko”.
Ayon kay Bautista, nasa isanlibo dalawandaang patrol crews, traffic marshals, security teams at toll lane personnel ang itinalaga upang tulungan ang mga motorista at tiyaking maayos ang daloy ng trapiko.
Kabilang sa mga tututukan ang Balintawak, Mindanao, Karuhatan, Bocaue, San Simon, San Fernando, Tarlac at Tipo exits dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga sasakyan sa mga naturang lugar.
Maglalagay din ng emergency medical services at incident response teams para sa agarang aksyon habang sususpendihin ang konstruksyon at lane closures sa NLEX-SCTEX maliban na lamang sa mga kailangang safety repairs.
Mula ala sais ng umaga sa bisperas ng pasko, sa Biyernes, December 24 hanggang ala sais ng umaga sa December 27 at mula ala sais ng umaga sa January 1 hanggang ala sais ng umaga sa January 3 ay may libreng towing naman sa pinakamalapit na exit sa mga bumibiyaheng class 1 o light vehicles.