Pinaghahandaan na ng pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) ang inaasahang pagdagsa ng mga motoristang paluwas ng Metro Manila.
Kasabay ito ng unang araw ng pagpapatupad ng general community quarantine (GCQ) sa buong National Capital Region (NCR) at iba pang bahagi ng bansa.
Ayon kay NLEX Traffic Operations manager Robin Ignacio, kabilang sa isinasagawa nilang paghahanda ang repainting at pagsasaayos ng mga toll plaza, pag-disinfect ng mga toll booths, customer service centers, at iba pa nilang mga pasilidad.
Sinabi ni Ignacio, walang itatalagang mga ambulant tellers para mabawasan ang mga personal contact bilang bahagi na rin ng kanilang hakbang laban sa pagkalat ng COVID-19.
Gayunman, tiniyak ni Ignacio na bubuksan ang lahat ng toll booths sa NLEX habang maglalagay din ng mga karagdagang portable collection booths.