Handa ang pamunuan ng North Luzon Expressway o NLEX sa pagdagsa ng mga motorista ngayong Holiday season.
Kasunod ito ng inaasahang pag-uwi sa probinsya ng marami nating kababayan upang doon magdiwang ng Pasko at pagsalubong ng Bagong Taon.
Ayon kay Robin Ignacio, Senior Traffic Manager ng NLEX Expressways, simula noong Biyernes ay itinigil na nila ang pagsasaayos ng mga kalsada upang maiwasan ang pagbigat ng daloy ng trapiko.
Ipinatupad ito maliban sa southbound direction ng Candaba Viaduct na magtatagal hanggang sa susunod na taon.
Samantala, sinabi pa ni Ignacio na nagdagdag na rin sila ng mga personnel upang makatugon sa bugso ng mga bibiyahe palabas at papasok ng Metro Manila.
Batay sa datos, papalo sa 280,000 ang mga sasakyang dumadaan sa NLEX, habang nasa 60,000 sa Subic–Clark–Tarlac Expressway o SCTEX.
Inaasahan namang tataas pa ang bilang mula Disyembre 16 hanggang Enero 3 ng susunod na taon.