Nakatakda nang buksan sa Pebrero 26 ang North Luzon Expressway Harbor Link Segment 10.
Ayon kay Public Works and Highways Secretary Mark Villar, babagtasin ng mahigit limang kilometrong elevated expressway ang mga lungsod ng Valenzuela, Malabon hanggang Caloocan.
Mula sa kasalukuyang mahigit isang oras, magiging lima hanggang sampung minuto na lamang anya ang biyahe mula NLEX-Karuhatan Exit hanggang C-3 Road, Caloocan.
Nasa 30,000 sasakyan ang makikinabang sa Harbor Link at inaasahang mababawasan ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Camanava area na karaniwang dulot ng mga truck papasok at palabas ng Port Area, Maynila.
Samantala, isang linggo munang libre ang toll sa Harbor Link habang isa pang kalsada ang bubuksan na magdurugtong naman sa C3 Road sa Caloocan hanggang R-10 sa Navotas City ngayong taon.