Umapela sa Valenzuela City government ang pamunuan ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) matapos magbanta si Mayor Rex Gatchalian na sususpindihin ang business permit ng korporasyon dahil sa hindi masolusyunang problema sa RFID system.
Una nang tinaningan ni Gatchalian ng 72 hours o hanggang mamayang alas-5:01 ng hapon ang pamunuan ng NLEX Corporation para magpaliwanag kung bakit hindi dapat masuspinde ang kanilang business permit.
Humingi ng hanggang 15 araw ang NLEX Corporation sa Valenzuela LGU para magsumite ng kanilang action plan para hindi mabawi ang kanilang business permit.
Sinabi ni MPTC Chief Communication Officer Junji Quimbo na pinag-aaralan na nila ang mga hakbangin para kaagad makatugon sa kautusan ni Gatchalian.
Humihingi rin ng pang unawa si Quimbo sa mga residente ng Valenzuela na apektado ng traffic matapos amining sa ilang lugar ay nagkakaroon ng problema sa pagpapatupad ng cashless transaction.