Upang tugunan ang problema sa mga hayop na pagala-gala sa mga kalsada, ipinatutupad ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation ang programang “I Care for Strays”.
Layon ng nasabing programa na iwasan ang aksidenteng kinasasangkutan ng mga hayop sa loob ng expressway at sa kahabaan ng mga lokal na kalsada.
Inilunsad ang I Care for Strays sa Barangay Patubig, Marilao, Bulacan bilang bahagi ng Mission Road Safety campaign ng NLEX.
Sa paglulunsad ng programa, isang oryentasyon tungkol sa animal welfare laws, responsible pet ownership, at pagkontrol sa populasyon ng mga ligaw na hayop ang isinagawa para sa mga nag-aalaga ng hayop sa Marilao at sa mga kalapit na bayan.
Sa nasabing event, higit sa 300 aso at pusa ang nakinabang sa libreng kapon, deworming, at anti-rabies vaccinations.
Ayon kay NLEX vice president for communication and stakeholder management division Donna Marcelo, paraan nila ang I Care for Strays program upang itaguyod at protektahan ang kapakanan ng mga hayop, kasabay sa pagtitiyak sa kaligtasan ng mga motorista at residente.
Pinuri naman ni Bulacan Gov. Daniel Fernando ang adbokasiya ng NLEX at binigyang-diin na mahalagang hakbang tungo sa mas ligtas at mas maayos na kalsada ang pagmamalasakit sa kapakanan ng mga hayop.
Kapag may pagala-galang hayop sa gitna ng kalsada, hindi lamang buhay nila ang nanganganib, kundi pati na rin ang buhay ng mga motorista, dahil maaaring magdulot ng aksidente ang biglaang pag-iwas o pagpreno sa sasakyan.
Sa pamamagitan ng masusi at wastong pangangalaga sa mga hayop, partikular na sa mga walang tirahan, matitiyak nating mas magiging ligtas ang ating mga kalsada.