Tiniyak ng pangasiwaan ng North Luzon Expressway (NLEX) na kanilang tututukan ang iba’t-ibang usapin na may kinalaman sa legal load limits sa pagdaan sa nasabing kalsada.
Kasunod ito ng ginawang pagbarikada ng Pampanga Truckers and Haulders Association sa mga entry at exit points sa kahabaan ng NLEX partikular na sa Mabalacat, Angeles City, San Simon at San Fernando exits kahapon.
Una rito, inihayag ni Pampanga Truckers President Bong Lansang na kaya nila tinuloy ang pagbarikada ng kanilang mga truck sa NLEX ay dahil sa patuloy na pagmamatigas nito na huwag silang papasukin sa pangunahing highway.
Isinisigaw din ng grupo ng mga truckers ang anila’y selective o hindi patas na pagtrato sa kanilang grupo lalo’t karamihan sa mga ito anila ay naghahatid ng mahahalagang produkto na higit na kailangan ng publiko.
Magugunita nitong Agosto nang isailalim sa reconstruction at rehabilitasyon ang Candaba viaduct dahilan upang isara muna pansamantala sa mga 12 wheeler truck ang nasabing highway para na rin sa kaligtasan ng mas nakararaming motorista.