Nagbabala ang National Meat Inspection Service (NMIS) sa pagkain ng baboy na namatay sa aksidente dahil hindi dumaan sa pagkatay ng anumang slaughterhouse.
Kasunod na rin ito nang pagkasawi ng 44 na baboy nang tumagilid ang 14-wheeler truck kung saan lulan ang mga ito sa Navotas City at sinasabing iniuwi ng mga residente ang mga namatay na baboy.
Ayon kay Dr. Jude Padasas, enforcement head ng NMIS National Capital Region dapat na dumaan muna sa inspeksyon ang mga nasabing baboy bago kainin.
Uubra naman aniyang dalhin sa emergency slaughterhouse ang mga naghihingalong baboy para mapakinabangan pa at matiyak na ligtas kainin ang mga ito.
Nasa 160 buhay na baboy ang lulan ng truck at sinasabing nagkakahalaga ng P25,000 ang bawat isa at nagmula sa General Santos City at nakatakdang dalhin sana sa isang katayan sa Cavite.