Inihirit ng isang mambabatas na suspendihin muna ang ipinatutupad na “no beep card, no ride policy” ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ito’y ayon kay Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas ay dahil tila ginagawang sangkalan nito ang pandemya ng COVID-19 para pigain at pagkakitaan ang mga kawawang commuter at manggagawa.
Dapat aniyang itigil ang nasabing polisiya dahil na rin sa maanomalyang presyo nito na P80 bawat isa, may P100 load subalit kailangang i-maintain ang P65 gayundin ang P5 convenience fee sa kada reload sa mga third party service provider.
Kasunod nito, hiniling din ni Brosas na i-refund sa mga komyuter ang ibinayad nila para sa card na napilitan lang ding bumili para sa cashless payment na nais ng Department of Transportation (DOTr).