Walang halong paninisi ang talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA).
Ito ang unang beses na walang narinig na pagtatanim ng galit sa mga nakalipas na administrasyon ang Pangulo sa nakalipas na anim na taon.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi niya nais mag-aksaya ng oras sa paninisi sa kamalian ng mga nagdaang administrasyon bagkus ay mas dapat magsilbing leksyon ang mga pagkakamali upang hindi na maulit sa hinaharap.
Bahagi ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte
Federalism
Hindi din nawala sa naging State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang isinusulong na pederalismo.
Ayon kay Pangulong Digong, kinakailangan ng pangulo sa bubuuing Federal Form of Government gaya ng sistema ng France kung saan hindi lahat ay ipinauubaya sa parliament.
Siniguro ni Duterte na agad syang aalis sa puwesto sakaling tuluyang maisabatas na ang Pederalismo, magkaroon ng referendum at matapos ang presidential election.
Trending
Inulan ng tweets ang microblogging site na Twitter sa pagsisimula pa lamang ng live television broadcast ng unang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, kahapon.
Umabot sa mahigit 3,000 ang tweets per minute nang magsimulang magsalita si Pangulong Duterte hinggil sa full implementation ng Reproductive Health Law.
Hindi rin nagpahuli ang mga local celebrity at TV personality sa pagpahayag sa twitter ng kanilang saloobin at pag-asa sa bagong administrasyon kabilang na ang tv host na si Vice Ganda at aktres na si Coleen Garcia.
Ayon kay Pratiksha Rao, Head ng Media Partnerships ng Twitter Southeast Asia, ang pagdagsa ng tweets maging ng mga post sa social media ay indikasyon na malayang nagkakaroon ng koneksyon ang mga netizen bilang bahagi ng demokrasya.
Ikinagagalak din anya nilang makatuwang ang kasalukuyang administrasyon sa pagpapalaganap ng mga makabagong media platform na isang mahalagang sangkap upang magkaroon ng ugnayan ang mga Pilipino saanmang sulok ng bansa.
The longest?
Naging mahaba ang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte kumpara sa naunang pahayag ng Malacañang na tatagal lamang ito ng 38 minuto.
Tumagal ang SONA speech ng Pangulo ng higit isang oras at tatlumpung minute.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, dahil ito sa mga ad-lib ng Pangulo kaya naging mas personal ang naging pag-uulat nito sa bayan.
Matatandaang umani ng maraming palakpakan ang naging SONA ng Pangulo habang naging kapansin-pansin din ang maraming pagkakataon na napatawa ng Pangulong Duterte ang kanyang mga tagapakinig dahil sa kanyang pagpapatawa at mga kuwento.
By Drew Nacino | Rianne Briones