Aminado si Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na malabo nang ipatupad ng gobyerno sa Hunyo ang isinusulong niyang “no booster shot card, no entry” policy sa mga papasok sa mga “enclosed establishment” laban sa pagtaas ng COVID-19 cases.
Ayon kay Concepcion, marami ang tutol na gawing mandatory ang pagpapakita ng booster shot card dahil kaunti lamang ang nagpapaturok at mababawasan ang mga papasok sa mga establisimyento.
Gayunman, ipinaalala ng opisyal na nababawasan na ang bisa ng primary vaccines batay na rin sa kanyang naging karanasan makaraang kumuha ng antibody test.
Bagaman naging “over confident” na anya ang mga Filipino dahil mahina na ang nai-infect, naka-aalarma pa rin ang posibleng panibagong COVID-19 surge.
Umapela naman si Concepcion sa mga mamamayan na magpabakuna na ng primary dose at magpaturok na ng booster, lalo’t marami namang stock ang gobyerno, para maibangon nang tuluyan ang ekonomiya ng bansa.