Muling ipatutupad ng Simbahang Katolika sa Maynila ang no contact policy sa paglalagay ng abo sa mga deboto sa pagsisimula ng kuwaresma.
Ito ang inihayag ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kasunod ng mga paghahanda nila para sa Ash Wednesday o Miyerkules De Ceniza sa Pebrero 17.
Ayon sa Obispo, ang mga pagbabago sa paggunita ng Ash Wednesday ay alinsunod na rin sa direktibang inilabas ng Vatican bilang pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19
Nakasaad sa inilabas na direktiba ng Vatican, ibubudbod na lamang sa ulo ng mga nagsisimba ang abo sa halip na ang nakagawiang pagpapahid nito sa noo.
Magugunitang ipinatupad na ng Simbahang Katolika ang gayung hakbang nuong isang taon mula nang magsimula nang kumalat ang virus mula sa China.