Pumihit si Senate President Tito Sotto sa kanyang naunang pahayag ng pagtutol sa ‘no-el’ o no election.
Ayon kay Sotto, maaaring ipagpaliban ang eleksyon kung magkakaroon ng batas ukol dito.
Ngunit magagawa lamang ang batas kung isusulong at susuportahan ito ng mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso.
Paglilinaw ni Sotto na hindi niya isinusulong ang no-el scenario bagkus ay tinutukoy lamang niya ang mga posibleng gawin ng Kongreso.
Una nang sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na makabubuting ipagpaliban ang eleksyon upang masigurong walang magiging dahilan para maantala ang pagbabago sa konstitusyon na magbibigay daan naman para sa pederalismo.
Sinupalpal ng naman ilang senador ang no-el o no election scenario na pinalutang ni House Speaker Pantaleon Alvarez.
Ayon kay Senador Grace Poe, hindi papayag ang Senado sa mungkahi ng kongresista dahil malinaw itong paglabag sa konstitusyon.
Lalabag ito sa konstitusyon na pagtatakda na magkaroon ng eleksyon.
Hindi rin aniya maaaring puwersahin ang gobyerno ang Senado para amyendahan ang Saligang Batas sa pamamagitan ng Con-Ass o Constitutional Assembly.
Sinegundahan naman ito ni Senador Chiz Escudero.
Aniya, malinaw ang itinatakda ng konstitusyon na hanggang tatlong taon lamang ang termino ng isang kongresista habang anim naman sa mga senador.
Kasabay nito sinabi ni Escudero na hindi dapat na minamadali ang Charter Change.
Target ng Con-com o Consultative Committee na maisabatas ang federal constitution sa Disyembre.
Ayon kay Escudero, maraming trabaho ang Senado partikular na dapat tutukan ay ang paghimay sa 2019 national budget.
Nangangailangan din aniya ng matagal na pag-aaral ang kondtitusyon at federal constitution na binalangkas ng Con-com.
Hinimok pa ni Escudero na ilabas sa publiko ang draft na ginawa ng Con-com upang mapasuri ito at mapag-aralan.
—-