Umaasa ang DTI o Department of Trade and Industry na magiging ganap nang batas ang panukalang magpapatibay sa kautusan ng ahensya na hindi dapat lagyan ng expiration date ang mga gift checks, bago ang Pasko.
Ito ay kasunod ng paglusot sa ikalawang pagbasa sa Senado ng Senate Bill Number 1466 o Gift Check Act of 2017.
Ayon kay DTI Undersecretary Ted Pascua, kanilang ikinatutuwa na mabilis ang usad ng nasabing panukalang batas na malaki ang maitutulong sa mga mamimili na gumagamit ng mga gift checks, coupons o vouchers.
Giit ni Pascua, ang paglalagay ng expiry date sa mga gift checks, coupons o vouchers ay isa kalamangan sa panig ng mga merchandisers dahil kahit na hindi pa nagagamit ang mga ito ay nabayaran na ng mga mamimili.
“Kung ikaw ay bibili ng gift checks hindi mo pa nagagamit yung consumer good ngunit nabayaran mo na, so yan ay kalamangan na ng mga distributor o retail establishments, kung lalagyan natin yan ng limitations, napaka-limiting nun na kadalasang nangyayari one side lang dahil nakakalimutan o nawawala pero nabayaran na.” Ani Pascua
Dagdag ni Pascua, nakasaad din aniya sa naturang panukala na ang magiging butal o sukli sa nagamit na gift check ay wala na ring expiration at maaari pang magamit sa iba pang transaksyon.
“Hindi mag-eexpire yung mga tingi, kunwari ang gift check mo ay P1,000 at yung naubos lang ay P995 may P5 pa, hindi nawawala ang balanse, puwedeng sa susunod na, walang limitasyon yan na dapat sa isang bilihan lamang, puwede mo yang idagdag sa susunod mong purchase.” Pahayag ni Pascua
By Krista de Dios | Ratsada Balita Interview