Magpapatupad na rin ng no fly zone sa kabuuan ng Metro Manila at mga karatig lalawigan sa Nobyembre 9 bilang bahagi pa rin ng inilatag na seguridad para sa ASEAN Summit.
Kasunod nito, inanusyo na rin ni Philippine National Police o PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na nasa full alert status na sila mula bukas, Nobyembre 8 bunsod na rin ng inaasahang pagdating ng mga world leaders tulad ni US President Donald Trump.
Ayon kay ASEAN Committee on Security Chairman at DILG OIC Undersecretary Catalino Cuy, bawal lumipad ang mga sasakyang panghimpapawid sa bahagi ng Clark Special Economic Zone sa Pampanga mula Nobyembre 9 hanggang 14 mula alas-4:00 ng umaga hanggang ala-5:00 ng hapon.
Mula ala-6:00 naman ng umaga hanggang ala-5:00 ng hapon at alas-11:00 ng gabi sa Nobyembre 12 hanggang 15, bawal lumipad ang anumang aircraft sa bahagi ng Rizal Park maging sa buong Maynila.
Sarado rin ang lahat ng maliliit na paliparan tulad ng Sangley Airport sa Cavite, Plaridel Airport sa Bulacan at ang Subic International Airport sa Olongapo sa nabanggit na mga petsa at oras.
—-