Hinimok ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Spokesman Jonathan Malaya ang kongreso na ipasa ang panukalang nagbabawal sa pagbili ng sasakyan ng walang parking area.
Ayon kay Malaya ang nasabing hakbang ay makakatulong para maibsan ang problema sa trapiko sa Metro Manila dahil nakakabigat ng trapiko ang mga sasakyang iligal na naka-park.
Sinabi pa ni Malaya na solusyon sa problema sa trapiko ang no garage, no car policy lalo na’t halos isang milyong sasakyan talaga ang walang maayos na parking.
Dapat aniyang payagang makabili ng sasakyan ang taong makapagpapatunay na mayruon siyang parking space.
Magugunitang ang nasabing panukala ay isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian na ini-refile ang proof of parking space act o senate bill 201 nitong 18th congress.