Sinimulan nang ipatupad ng Cotabato City government ang “No ID, No Entry” policy bilang suporta sa idineklarang Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao.
Ito ang desisyon ng pamahalaang lungsod matapos pulungin ni Mayor Cynthia Guiani-Sayadi ang lahat ng barangay official sa isang emergency meeting, noong Miyerkules ng gabi, sa gitna ng sagupaan ng mga tropa ng gobyerno at sinasabing ISIS Philippines.
Ayon kay Sayadi, dapat laging magdala ng kahit anong identification ang lahat ng papasok o lalabas ng lungsod.
Inatasan din ng alkalde ang mga barangay official na palakasin ang kanilang presensya at maglagay ng mga checkpoint kung kinakailangan lalo sa mga critical area.
Ito’y upang matiyak na walang makapapasok na miyembro ng Abu Sayyaf o Maute Group sa lungsod.
Asahan na anya ang mas mahigpit na inspeksyon sa mga checkpoint partikular sa lahat ng entry at exit points na ipinatutupad naman ng Joint Task Force Kutawato ng Philippine Army.
By Drew Nacino