Mahigpit na ipinatutupad ng Philippine Coast Guard o PCG ang “No ID, No Travel” policy sa mga magtutungo at papalabas ng Iligan City.
Ito ay bilang bahagi ng pagtitiyak ng PCG sa seguridad kasabay ng ipinatutupad na batas militar sa Mindanao.
Ayon kay Commander Armand Balilo, tagapagsalita ng PCG, kanilang pinaigting ang isinasagawang inspeksyon sa mga dumadaong na sasakyang pandagat sa Iligan City Port gayundin ang profiling sa mga nagtutungo sa lungsod.
Kasabay nito, mahigpit na sinusuri rin ang mga kargamentong pumapasok at papalabas ng lungsod upang maiwasan ang mga tangkang pagpupuslit ng mga baril.
Katuwang ng Coast Guard ang mga nakatalagang security personnel ng Philippine Ports Authority para sa pinaigting pagbabantay sa daungan sa Iligan City.
Citizen’s arrest iginiit sa Lanao del Sur vs terorista
Hinimok ng provincial government ng Lanao del Sur ang mga residente sa lalawigan na tulungan ang pamahalaan na madakip ang mga tumatakas nang terorista mula sa labanan sa Marawi City sa pamamagitan ng citizen’s arrest.
Ayon kay Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng Lanao del Sur provincial government, kung sa tingin ng isang indibidwal na kaya niyang dakpin ang isang hinihinalang terorista ay kanilang gawin at dalhin ito sa kanila.
Dagdag ni Adiong, ang ganoong klase ng pag-aresto ay legal at naayon sa ating saligang batas.
Kwento pa ni Adiong, isang hinihinalang terorista na sumabay sa mga lumilikas ang kanilang nadakip noong linggo.
Aniya, walang dalang armas ang inarestong lalaki pero nangangamoy pulbura ang mga kamay nito at kahina-hinala ang mga kilos.
By Krista De Dios | With Report from Aya Yupangco