May magandang balita ang oil companies sa mga motorista makaraang magpasya silang huwag nang magpatupad ng oil price adjustment ngayong araw.
Ito’y taliwas sa naging anunsyo kahapon ng DOE o Department of Energy na may katiting na rollback sa presyo ng produktong petrolyo bunsod ng mababang demand at sobrang suplay ng langis sa world market.
Ayon sa mga oil companies, ginawa nila ang nasabing pasya upang makapagpahinga ang mga motorista dahil sa walong sunod na linggong pagpapatupad nila ng oil price hike.
Samantala, nakatakda namang ihain ngayong araw ng grupong LTOP o Liga ng Transportasyon at Operators ang P10 fare increase sa mga jeepney.
Ayon kay Orlando Marquez, Pangulo ng LTOP, malaki na ang itinaas sa presyo ng diesel mula nang ipako sa P8 ang minimum na pasahe sa mga jeepney kaya’t nagkaisa na ang mga transport group para igiit ang umento sa pasahe.
Maliban sa LTOP, kasama rin sa petitioners ang FEJODAP ni Ka Zenaida Maranan, Pasang Masda ni Ka Obet Martin, ACTO ni Efren de Luna at ALTO-DAP ni Melencio Vargas.
Iginiit ng transport groups na malaki na ang itinaas ng presyo ng diesel mula nang itakda ang walong pisong minimum na pasahe maliban pa sa mataas na halaga ng mga piyesa.
—-