Hindi pa maibabalik ang operasyon ng mga pampublikong transportasyon sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa kung saan nananatili ang enhanced community quarantine (ECQ).
Ito ang iginiit ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año kasunod ng pagpapalawig pa ng ECQ sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa hanggang Mayo 15.
Gayundin ang pagsasailalim naman sa general community quarantine (GCQ) ng ilang lalawigan na may mababa nang panganib sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Año, sa halip ay asahan aniya ang mas mahigpit pang pagpapatupad ng ECQ para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19.
Una nang sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade na kanilang pinag-aaralan ang pagbabalik operasyon ng 30% ng public transportation sa lugar na isinailalim na lamang sa general community quarantine (GCQ).