Mariing tinutulan ng Manila Press Corps ang direktiba ng Philippine National Police o PNP na nagbabawal sa mga pulis na maglabas o magbigay ng spot report sa mga alagad ng media.
Ayon kay MPD Press Corps President Mer Layson, mistulang sinisikil ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang mga police reporter na kumalap ng mga balitang nais malaman ng publiko.
Paliwanag nito, hindi maganda ang timing ng PNP sa ipinalabas nitong direktiba na nagbabawal na kumuha ng spot report o blotter.
Binigyang diin nito karapatan ng media at ng publiko na malaman ang mga nangyayaring krimen sa kanilang mga nasasakupan.
Ayon naman kay Gina Mape, hindi dapat ipagkait sa media ang mga impormasyon.
“Hindi maaari yun dahil tahasang pagsikil na yun sa ating karapatan sa impormasyon kapag itinago nila yan at hindi ipinamahagi sa media, ibig sabihin may masama silang ginagawa.” Ani Mape
Iginiit naman ni Rambo Lapay na ang mamamayan ang pangunahing kawawa sa direktibang ito ng PNP.
“Gustong malaman ng publiko kung ano ang mga nagyayaring krimen sa kanilang nasasakupan kung tayo’y sinisikil, tayo ang representative ng publiko eh, kawawa sila hindi nila malalaman kung anong nangyayari.” Ayon kay Lapay
Sinabi naman ni Ricky Brosas na handa silang dahilhin ang naturang usapin hanggang sa Malacañang.
(Ulat ni Aya Yupangco)