Ipatutupad ng Guimaras Provincial government ang ‘no vaccine, no work’ policy sa kanilang tanggapan.
Ayon kay Guimaras Vice Governor Atty. John Edward Gando, magsisimula sa susunod na linggo ang hindi nila pagtanggap sa mga hindi fully vaccinated na empleyado.
Sinabi pa ni Gando na hindi rin papayagan na makapasok sa kapitolyo ang mga ayaw na magpabakuna kontra COVID-19.
Paliwanag ng Bise-Gobernador, ang Local Government Unit ng Guimaras ay hindi sakop sa mga alituntunin ng Department of Labor and Employment at Department of Health kung kaya’t may kapangyarihan ang mga ito na magpatupad ng sariling hakbang laban sa COVID-19.
Matatandaang batay sa DOLE Labor Advisory No. 3,na nilagdaan ni DOLE Secretary Silvestre H. Bello III na ang sinomang empleyado na ayaw magpabakuna kontra COVID-19 ay hindi dapat madiskrimina kaugnay sa tenure, promotion, training, sahod, benepisyo o miski matanggal sa trabaho nito.—sa panulat ni Hyacinth Ludivico