Nababahala ang Commission on Human Rights (CHR) sa ipinatupad na “No Vaccine, No Ride” ng Department of Transportation sa Metro Manila.
Ayon kay CHR Spokesperson, Atty. Jacqueline De Guia, ang nasabing kautusan ay may malaking epekto sa karapatan ng mga mamamayan na makabiyahe.
Hahadlangan din anya ng kautusan ng DOTr ang access ng mga mamamayan sa basic services kahit walang direktang pagbabawal sa Right to Travel lalo’t mayorya ng mga ordinaryong Filipino ang nakaasa sa public transportation.
Ipinunto ni De Guia na balido naman ang nasabing polisiya ng gobyerno dahil para ito sa kapakanan ng publiko at tinitiyak ang travel restriction ay hindi magreresulta sa pagharang sa access sa public services.
Gayunman, kailangang pag-aralan ang kasalukuyang restrictions para sa mga unvaccinated individuals alinsunod sa batas upang matiyak na ligal at kailangan para sa proteksyon ng public health, kaakibat ang iba pang karapatan.
Nakasaad sa Article 3, Section 6 ng Philippine Consitution na hindi dapat hadlangan ang kalayaan na lumipat ng lugar maliban kung may utos ang korte at hindi rin dapat bawalan ang karapatan sa paglalakbay maliban kung para sa public interest, national security at public health alinsunod sa itinatadhana ng batas.