Simula bukas, Enero a-17, ipatutupad na ng Department of Transportation (DOTr) ang “No Vaccination, No Fly” kung saan, tanging mga fully vaccinated domestic travelers lamang ang papayagang makasakay sa mga local carriers na patungo o aalis ng Metro Manila.
Ang direktibang “No Vaccination, No Fly” ay nakapaloob sa DOTr Order-2022-001, hangga’t ang Metro Manila ay nananatiling nasa ilalim ng alert level 3 o mas mataas pa.
Upang payagang makasakay sa eroplano, dapat silang magpakita ng pisikal o digital na mga kopya ng vaccine card, valid government ID o anumang dokumentong inirekomenda ng IATF.
Exempted sa panuntunan ang mga indibidwal na may medical condition o immunocompromised, gayundin ang mga naglalakbay upang bumili ng mga mahahalagang produkto tulad ng gamot at mga medical device.
Samantala, ang mga pasaherong gustong ipagpaliban ang kanilang mga plano ay maaaring kanselahin ang flights, dalawang oras bago ang nakatakdang oras ng pag-alis at piliin ang kanilang susunod na opsyon sa portal ng manage booking ng airlines. —sa panulat ni Kim Gomez