Kinondena at tinawag na iligal ng Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ang ‘no vaccination, no ride’ policy na aarangkada sa pampublikong transportasyon simula bukas, Enero 17.
Sa panayam ng DWIZ, binigyang diin ni ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay na labag sa Republic Act 11525 o COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 ang ipatutupad na polisiya ng Department of Transportation (DOTr).
Giit ni Tanjusay, experimental pa lamang ang mga bakuna, maliban sa walang kasiguruhan at wala ring garantiya na ito’y siyento-por-siyento na mabisa o ligtas kaya’t hindi ito dapat gawing mandatory.
Samantala, sinabi ni Tanjusay na nangako si Labor Sec. Silvestre “Bebot” Bello III na maglalabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng isang advisory ukol sa isolation at quarantine ng mga manggagawa.
Aniya, nagreklamo ang ilang miyembro nila dahil sa umano’y hindi nabayarang araw noong sila’y naka-isolate o naka-quarantine.