Dapat itigil ang pinatutupad na ‘no vaxx no ride’ policy ng pamahalaan sa halip magtayo na lang daw ng bakuna station sa mga Transportation hub at iba pang lugar.
Ayon kay Senator Kiko Pangilinan, parusa itong ‘no-vaxx, no-ride’ policy sa mga mahihirap na walang sariling sasakyan at gusto lang maghanapbuhay.
Dagdag parusa rin anya ito sa mga naka-first dose lang kung hindi rin sila papayagang makagamit ng mass transport.
Karamihan anya sa mga hirap na makasakay na pasahero para makapagtrabaho ay kakarampot lang ang sahod.
Giit ni Pangilinan, sigurado siya na kung pwede lang silang mag work-from-home ay gagawin nila.
Ayon pa kay Pangilinan, kung seryoso ang gobyerno na mawala ang COVID, dapat may bakunahan araw-araw sa mga bus terminal tulad sa PITX.
Sa ibang bansa, pwede na anya ang walk-in vaccination kahit sa mga botika samantalang dito sa atin depende pa sa schedule ng LGU.
Hindi anya makatwirang nai-ugnay sa mga ‘di bakunado ang pagtaas ng COVID cases.
Kahit anya ikulong pang lahat ang mga ‘di pa napabakunahan, kakalat pa rin ang COVID dahil merong mga bakunado na asymptomatic. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)