Naninindigan umano si Police Supt. Maria Cristina Nobleza na trabaho lamang ang kaniyang ginagawa matapos mahuli sa isang checkpoint sa Bohol kasama ang kasintahan nitong bandido na si Reenour Lou Dungon.
Ayon ito kay Philippine National Police o PNP Region 7 Director Chief Supt. Noli Talinio bagamat wala naman aniyang maipakitang COPLAN o operational plan si Nobleza sa mga otoridad.
Sinabi pa ni Talinio na una na ring ipinabatid ni Nobleza na bakasyon ang pakay niya sa Bohol subalit kalaunan ay inaming tinangka talaga nilang i-rescue ang isang Saad na miyembro ng Abyu Sayyaf na sugatan sa engkuwentro sa bayan ng Clarin.
Kasabay nito, ipinabatid ni Talinio na iniimbestigahan nila ang dating asawa ni Nobleza na si Senior Supt. Allan Nobleza na kasalukuyang police attache sa Pakistan.
Sinasabing 2010 pa napawalang bisa ang kasal ni Nobleza na nagpakasal na rin umano sa isang muslim rite kay Dungon kaya nagbalik islam ang police coronel.
Proseso para masibak sa serbisyo si Supt. Maria Cristina Nobleza gumugulong na
Gumugulong na ang proseso ng PNP Internal Affairs Service para masibak sa serbisyo si Supt. Maria Cristina Nobleza na una nang inaresto dahil sa pagkakasangkot sa Abu Sayyaf Group o ASG.
Sinabi ni PNP IAS Chief Atty. Alfegar Triambulo na sasampahan na nila si Nobleza ng conduct unbecoming of an official dahil sa ugnayan nito sa Abu Sayyaf.
Bukod pa ito aniya sa kasong grave misconduct dahil naman sa iba’t ibang paglabag ni Nobleza tulad nang pagkakaroon ng baril na walang kaukulang papeles at pag-alis sa kaniyang puwesto sa kaniyang tanggapan sa Davao ng walang permiso.
Ayon kay Triambulo, sapat na ang mga nasabing kaso para masibak sa serbisyo si Nobleza.
By Judith Larino