Kumbinsido si dating National Security Adviser at dating Congressman Roilo Golez na hindi itutuloy ng North Korea ang bantang pag-atake sa Guam, kung saan mayroong malaking base militar ang Amerika.
Ayon kay Golez, alam ni NoKor leader Kim Jong-Un ang kanilang kahihinatnan sakaling makipag-digmaan sila sa Estados Unidos.
Sa ngayon aniya, mas makakabuti para sa lahat na iwasan ang pagbibigay ng komentaryo sa isyu na lalong magpapasiklab ng tensyon sa pagitan ng Amerika at NoKor.
“Maraming nagsasabi na parang ine-exaggerate itong threat ng North Korea, unang-una may sapat ba silang kakayahan, yung missile ba nila is accurate enough, pangalawa talaga bang aabot ito kasi ang last test niyan is only about 787 kilometers away na hindi pa umabot ng Japan, napakalayo ng agwat ng Amerika pagdating sa nuclear power at capability, alam ng North Korea kung anong mangyayari sa kanila kung matuloy ito sa giyera, they will be wiped out from the phase of the earth.” Ani Golez
Kumpara sa mga Pinoy na nasa Guam, sinabi ni Golez na mas nasa panganib ang mga Pilipinong nasa South Korea sakaling magkaroon ng giyera sa pagitan ng NoKor at Amerika.
Walang duda aniya na madudurog ang kapitolyo ng Sokor kapag umatake ang NoKor.
“Hindi lang sila mawa-wipe out, ang Seoul maaaring madurog din dahil mayroong 2,000 artillery weapon na nakapuntirya sa Seoul galing sa North Korea, at maraming Pilipino sa South Korea, sa Seoul, sa Busan.” Ani Golez
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas Interview