Inakusahan ng North Korea ang Estados Unidos na nagdeklara ng giyera laban sa kanila.
Sa isang pahayag, sinabi ni North Korean Foreign Minister Ri Yong Ho na kanila lamang tinitiyak ang seguridad ng bansa matapos na aniyang magdeklara si US President Donald Trump ng giyera laban sa kanila.
Dagdag ni Ri na nakahanda silang pabagsakin ang anumang bomba galing sa Estados Unidos kahit hindi ito nakapaloob sa kanilang airspace.
Matatandaang patuloy pa rin ang pagsasagawa ng mga nuclear testing ng North Korea sa kabila ng pagkondena at ipinataw na parusa ng United Nations.
‘Absurd’, US answers
Samantala, pinalagan naman ng Amerika ang naging akusasyon ng North Korea na nagdeklara ito ng giyera laban sa Pyongyang.
Ginawang basehan ng NoKor ay ang naging tweet ni US President Donald Trump na hindi na magtatagal pa ang naturang bansa.
Dahil dito nagbanta ang NoKor na pasabugin ang mga stategic bomber ng US kahit nasa labas ito ng kanilang teritoryo bilang kanilang pagdepensa.
Ayon kay White House Press Secretary Sarah Sanders, hindi nagdeklara ng giyera ang Amerika at tinawag pa nitong absurd o hindi naaayon ang naging pahayag ng NoKor.
Kaugnay nito nagpahayag naman ang US military ng kanilang kahandaan na protektahan ang kanilang bansa at mga kaalyado nito.
—-