Pormal nang tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nominasyon ng PDP-Laban para siya’y tumakbo sa pagka-Bise Presidente sa susunod na eleksyon.
Ito ang tahasang inanunsyo ng Pangulo sa idinaos na national convention ng kanyang partido sa pangunguna ng pangkat ni Energy Secretary Alfonso Cusi sa San Fernando City sa Pampanga.
Aniya ang naturang desisyon na muling kumandidato ay maituturing na pagmamahal sa bansa.
Dagdag pa ng Pangulo na gusto niyang makita ang pagpapatuloy ng kanyang mga nagawa habang pinakamataas na opisyal ng bansa gayundin ang pagtulong sa pagpapaunlad ng Pilipinas.
Sa huli, nagpasalamat si Pangulong Duterte sa nominasyon ng kanyang partido na aniya’y tiwala sa kanyang pagseserbisyo.