Hawak na ng Calabanga Municipal Police Station sa Camarines sur ang Non Uniformed Personnel ng PNP matapos na maaresto ng Integrity Monitoring and Enforcement Group o IMEG dahil sa iligal na droga.
Kinilala ni IMEG Director P/BGen. Oliver Enmodias ang drug suspek na si Norberto Elorpe alyas Obet na nakatalaga sa Magaraw Municipal Police Station sa naturang lalawigan.
Ikinasa ng IMEG ang operasyon katuwang ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA dakong ala-5:20 kahapon ng hapon sa Zone 1, Brgy. San Miguel sa bayan ng Calabanga.
Di na nag aksaya ng panahon ang mga awtoridad nang positibo nang tanggapin ng suspek ang nasa P15,000 marked money mula sa ahente ng PDEA na nagpanggap na poseur buyer.
Nakuha sa suspek ang 4 na sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 7 gramo at tinatayang mahigit P47,000 ang halaga at ang boodle money na ginamit sa operasyon, cellphone at motorsiklo na kaniyang gamit.
Ayon kay Enmodias, matagal nang minamanmanan si Elorpe sa iligal na gawain nito hanggang sa may makita silang pagkakataon upang maaresto ito.
Kasalukuyan nang ikinakasa ang kasong paglabag sa RA9165 laban kay Elorpe habang nanawagan naman ang IMEG sa publiko na isumbong sa kanila ang sinumang tauhan ng PNP na sangkot sa iligal na gawain.