Target ng Department of Health (DOH) na mabigyan ng normal na buhay ang mga may HIV-AIDS.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, susubukan ng Philippine HIV and AIDS Policy Act of 2018 na tanggalin ang takot ng mga may HIV-AIDS at magabayan sila upang humaba pa ang kanilang buhay.
Sa ilalim ng HIV-AIDS Law, hindi lamang ang anti-retroviral therapy para sa mga may HIV-AIDS ang libre kundi maging ang mga antibiotics para sa samo’t saring impeksyon na nakukuha ng mga pasyente dahil bagsak ang kanilang immune system.
Sinabi ni Duque na maaari na rin kusang magpasuri ng kanilang dugo ang sinumang may edad kinse pataas kahit walang permiso ng mga magulang.
At upang lalong maging normal ang pamumuhay ng mga may HIV-AIDS, pinalakas rin ng batas ang parusa sa mga magpapakita ng diskriminasyon.
“Hindi ka lang gagaling pero mako-kontrol, so you can live like a normal individual, live quality lives, ‘yung gamutan kapag sinusunod ito sa takdang panahon at sumusunod sa prescription ng kanilang doktor ang kanilang buhay ay halos pareho lang din ng normal na life expectancy ng isang tao.” Ani Duque
Layon ng bagong batas na mapababa at makontrol ang patuloy na pagdami ng may HIV-AIDS sa Pilipinas.
Aminado si Health Secretary Francisco Duque III na pinakamabilis tumaas ang kasong HIV-AIDS sa Pilipinas sa hanay ng mga bansa sa Southeast Asia.
Batay sa datos, sa unang siyam na buwan lamang ng 2018, halos siyam na bagong kaso ng HIV ang naitala kabilang ang mahigit sa isang libong (1,000) kaso ng AIDS.
Maliban sa libreng gamot at antibiotics, mas pinalawak pa ng DOH ang serbisyo ng mga ospital para sa mga taong nabubuhay nang may HIV-AIDS.
(Ratsada Balita Interview)