Sinibak na sa pwesto ang hepe ng North Cotabato Police na si Sr. Supt. Alex Tagum kasunod na ng marahas na dispersal sa Kidapawan City noong Biyernes.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ricardo Marquez, ito ay bahagi ng proseso kapag mayroong iniimbestigahang insidente.
Napag-alaman din ni Marquez na may ilang tauhan ng PNP ang nagpaputok ng baril sa kasagsagan ng dispersal at hinihintay aniya niya ang resulta ng imbestigasyon dito.
Pansamantalang itinalaga si Regional Chief Directorial Staff Pro-12, Police Sr. Supt. Jose Briones Jr. bilang kapalit ni Tagum.
Kidapawan farmers
Samantala, ibinaba na ng Kidapawan City Regional Trial Court Branch 17 sa P2,000 ang piyansa sa bawat magsasaka na inaresto sa nasabing lungsod.
Ayon kay Atty. Ephraim Cortez, sa halip na magbayad ng P12,000, P2,000 na lamang ang babayarang piyansa ng 81 magsasaka para sa pansamantala nilang kalayaan.
Ang mga nabanggit na magsasaka ay nahaharap sa kasong direct assault.
By Meann Tanbio | Jonathan Andal (Patrol 31)