Naghahanda na ang North Korea sa mahabang digmaan o pakikipag-harap sa Estados Unidos.
Ito ang inihayag ni North Korean Supreme Leader Kim Jong Un matapos kumpirmahin na naglunsad sila ng panibagong missile test, kahapon.
Kinumpirma ni Kim na pinalipad nila ang pinaka-malaki at pinaka-bago nilang intercontinental ballistic missile na Hwasong-17 na bumagsak sa karagatang bahagi ng Exclusive Economic Zone ng Japan.
Ito ang kauna-unahang full-range missile test na ipinag-utos ni NoKor Supreme Leader Kim simula noong 2017.
Ayon sa NoKor, preparado na rin ang kanilang strategic force upang mapigilan ang anumang tangkang pag-atake ng Amerika.
Samantala, nagpulong na sina US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa G7 Summit sa Brussels, Belgium at nagkasundong magtutulungan upang “panagutin” ang NoKor.