Ibinunyag ng Russia na nais umanong makipag-usap ng North Korea sa Amerika sa kabila ng mainit na palitan nito ng mga salita.
Ito ang inihayag ni Russian Deputy Foreign Minister Sergei Ryabkov kasunod ng ipinataw na sanction ng United Nations sa Pyongyang dahil sa mga isinagawa nitong missile testing.
Bagama’t matagal nang nagpahayag ng pagnanais ang Pyongyang ng direktang diyalogo sa Amerika, sinabi ni Ryabkov na hindi nito matiyak kung may sapat na political will si US President Donald Trump para sa nasabing pag-uusap.
Magugunitang nagkaisa ang Amerika at Russia na kontrahin ang armas nuclear ng NoKor ngunit kontra naman ang Russia sa ginagawang military drills ng Amerika sa South Korea gayundin sa Japan.
—-