Nakaantabay na ang Northern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga lugar na maaapektuhan ng Bagyong Florita matapos itong mag-landfall sa Maconacon, Isabela kahapon ng umaga.
Ayon kay Lt. Gen. Ernesto Torres Jr., Commander ng Northern Luzon Command, bago paman maglandfall ang Bagyong Florita sa nabanggit na lugar ay na-ideploy na ang kanilang mga tauhan sa hilagang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Torres na kanila nang ipinakalat ang iba’t ibang unit ng Joint Task Force kasama ang kanilang mga kagamitan bilang Disaster Response at para maasistehan ang mga residente sa Central at Northern Luzon.
Nakamonitor narin ang Joint Task Force “Karagatan” ng Naval Forces Northern Luzon Command ng Philippine Navy sa bahagi ng Laoag City at Ilocos Norte habang nagsasagawa na ng Humanitarian Assistance and Disaster Response Operations ang mga miyembro ng Tactical Operations Wing Northern Luzon at Philippine Air Force’s Disaster Response and Rescue Teams para sa mga apektadong lugar.
Bukod pa dito, nagbigay din ng tulong ang 77th Infantry Battalion at 5th Infantry Division sa mga kababayang Pilipino sa Cagayan at Isabela Provinces.
Samantala, nilinaw naman ni Torres na maliban sa Internal Security at Territorial Defense, layunin rin ng NOLCOM na tugunan ang Disaster Relief and Response Operations sa mga lugar na makararanas ng kalamidad.