Kabilang na sa mga lugar na nasa election hotspot ang Northern Mindanao.
Ito’y matapos na ilagay sa kategoryang “red” ang lalawigan kasunod ng nangyaring election-related violence sa Lanao del Norte kungsaan apat katao ang nasugatan dahil sa shooting incident na nag-ugat sa rivalry ng dalawang political groups.
Agad namang ipinag-utos ng police REGIONAL Office-Northern Mindanao (PRO-Region 10) na masusing imbestigahan ang insidente ng pamamaril sa harap ng plaza ng Salvador town.
Ayon sa ulat, sangkot sa insidenteng ito ang mga political supporters nina mayoral candidates Bangcola “Bebot” Umpa at Farhani Tawan-Tawan, na nagresulta sa pagkakasugat ng apat na biktima.
Kinilala ang mga nasugatan na sina Sobair Umpa Abdul Nasser, 44, at Musaab Ampaso Gani, 41, na mula sa panig ni Umpa; at Tomie Ameril Managsa, 40, at Junjun Musacal Tandayao na mula naman sa Tawan-Tawan’s group.
Pahayag ni Lanao del Norte Police Major Salman Saad, chief of police ng community affairs development branch, na nagpapatuloy parin hanggang sa ngayon ang isinasagawang imbestigasyon sa nabanggit na kaso .
Wala pa aniyang pagkakakilanlan ang gunmen ngunit na-identify na umano ng pulisya ang partidong kinabibilangan ng suspek.
Bunsod nito, inaantay na lamang ng mga otoridad ang rekomendasyon ng Commission on Elections (Comelec) upang opisyal nang mapabilang sa listahan ng mga election hotspot ang kanilang lalawigan.