Inirekomenda ng PDRRMC o Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ang pagsailalim sa state of calamity sa buong lalawigan ng Northern Samar.
Kasunod na rin ito ng pinsala ng bagyong Nona.
Ayon sa PDRRMC, papalo sa halos P725 million pesos ang inisyal na danyos na iniwan ng bagyo sa imprastruktura sa lalawigan at nasa P121.33 million pesos naman sa agrikultura.
Tuluy-tuloy pa rin ang assessment ng PDRRMC sa danyos sa lalawigan dahil pahirapan pa ang komunikasyon at walang suplay ng kuryente.
Samantala, 96 ang naitalang sugatan sa Northern Samar.
Ipinabatid ni Jonathan Baldo, Municipal Disaster Officer ng Catarman, 3 katao ang nasawi sa kanilang bayan.
Linya ng komunikasyon
Samantala, ginagawa na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang lahat ng paraan para maibalik ang linya ng komunikasyon sa Northern Samar matapos manalasa ang bagyong Nona.
Sa katunayan, ipinabatid ng NDRRMC na nakaantabay na ang isang telecom network para ayusin ang linya sakaling gumanda na ang panahon.
Simula pa kagabi ay wala nang komunikasyon sa Northern Samar kabilang na ang Batag Island kung saan unang nag-landfall ang bagyong Nona.
Mahigpit nang nakatutok ang NDRRMC sa mga bayan ng Allen, Victoria at Catarman gayundin sa mga lalawigan ng Albay, Sorsogon at Marinduque.
By Judith Larino | Jonathan Andal