Isang babaeng Norwegian ang nasawi dahil sa rabies nitong Lunes matapos makagat ng tuta na kanyang sinagip mula sa kalye habang nagbabakasyon sa Pilipinas.
Batay sa ipinalabas na pahayag ng pamilya ng nasawing Norwegian, Pebrero nang magbakasyon sa Pilipinas ang kanilang kaanak na si Birgitte Kallestad kasama ang kanyang mga kaibigan.
May napulot anila itong tuta na pakalat-kalat sa kalye na kanyang dinala sa tinutuluyang resort sa Pilipinas.
Hindi sinasadyang nakagat umano ang babaeng Norwegian ng nasabing tuta habang nakikipaglaro siya rito.
Nang bumalik na ito ng Norway, nagsimula nang magkasakit ang nasabing babae kung saan na-confine ito sa intensive care unit (ICU) ng Forde Hospital at nasawi nitong Lunes dahil sa rabies.
Ayon sa Norwegian Institute of Public Health, ngayon na lamang muling nagkaroon ng kaso ng rabies sa kanilang bansa kung saan huling naitala ang pagkakahawa ng tao sa nasabing virus noon pang 1815 habang 1826 naman sa hayop.
Kasabay nito, nagbabala naman ang pamilya ng nasawing Norwegian tourist para maiwasang mangyari sa iba pang turista ang nangyari sa kanilang kaanak.