Kinumpirma ni Quezon City Police District Director PBGen. Nicolas Torre III na isang notoryusong gun for hire suspect ang napatay matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Payatas, Quezon City.
Kinilala ni Payatas Bagong Silangan Police Station Commander PLtCol. Roldante Sarmiento ang suspek na si John Philip Rodriguez, alyas “Mata”.
Nabatid na nagsasagawa ng Anti-Illegal Gambling Operation ang mga awtoridad nang mamataan si Rodriguez na nakamotorsiklo at may dalang baril kaya’t agad itong sinita.
Ngunit nang bumaba ng motor si Rodriguez ay bumunot umano ito ng baril at pinaputukan ang mga pulis. Dito na napilitang gumanti ang mga alagad ng batas na ikinasawi ng suspek.
Narekober sa crime scene ang isang kalibre .38 baril, isang motorsiklo, ilang basyo ng bala at isang sachet ng hinihinalang shabu.
Pinuri naman ni Torre ang kanyang mga tauhan sa pagiging mapagmatyag at alerto ng mga ito.
Aniya, sa bawat operasyon na kanilang ginagawa araw-araw ay handa nilang itaya ang kanilang buhay para sa paglilingkod sa bayan.