Pansamantalang isasara ang Novaliches District Hospital simula ngayong araw, Mayo 26 hanggang Mayo 28.
Sa ipinalabas na abiso ng lokal na pamahalaan ng Quezon City, isasailalim sa masusing disinfection ang ilang kritikal na bahagi ng ospital sa loob ng tatlong araw.
Ito ay matapos namang magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang ilang empleyado ng Novaliches District Hospital.
Kasabay ng pansamantalang pagsasara ng ospital, patuloy na sasailalim sa self-quarantine ang mga natukoy na health workers at ibang empleyado ng ospital na nakasalamuha ng mga naunang nagpositibo.
Kasunod nito, pinapayuhan ng QC-LGU ang mga residenteng nangangailangan ng atensyong medikal na pansamantala munang magtungo sa Quezon City General Hospital sa Project 8 at Rosario Maclang-Bautista General Hospital sa Batasan.