Sinupalpal ng korte ang kompanyang NOW Cable Inc. matapos ibasura ang hirit nito na magpalabas ng writ of preliminary injunction laban sa cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC).
Sa petisyon ng Now Cable sa Quezon City Regional Trial Court, kinuwestiyon nito ang NTC order na ipinalabas noong Sept. 2021 laban sa kompanya makaraang mapaso ang prangkisa nito.
Matatandaan na noong May 2022 ay binawi ng NTC ang mga naka-assign na frequency sa NOW Cable, kabilang ang lahat ng channel, at maging ang inisyung provisional authorities dito bunsod ng kawalan ng balidong Congressional franchise.
Batay naman sa resolusyon ng QCRTC Branch 91, binanggit nito na nabigo ang NOW Cable na patunayan na dapat silang mabigyang proteksyon sa pamamagitan ng pagpapalabas ng injunction.
Paliwanag ng hukuman, sa ilalim kasi ng RA No. 8213 Section 3, kailangan ng prior approval ng NTC para sa kontruksyon at operasyon ng istasyon at pasilidad ng NOW Cable.
Ayon sa korte, ang prangkisa ng NOW Cable ay napaso na noon pang Sept. 2021.
Samantala, sa naging opposition naman ng NTC, binigyang diin nito na walang awtorisasyon ang korte para aprubahan ang petisyon ng NOW Cable dahil ang pagbibigay ng certificate of authority para makapag-operate ng radio at television broadcasting system, kabilang na ang CATV, ay saklaw o mandato ng NTC.