Pagpapa-praktisan ng bagong attack helicopters ang mga komunista sa halip na arestuhin kapag hindi tumigil sa kanilang opensiba.
Ito ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsaksi nito sa pagwasak sa mga nasamsam na mga armas sa Marawi City sa isang sermonya sa Fort Bonifacio Taguig City.
Ayon kay Pangulong Duterte, ang mga komunista ang mismong nagpapahirap sa mga Pilipino lalo na sa mahihirap na sektor gaya ng magsasaka, kaya aniya hindi siya naniniwala sa pinaglalaban ng mga ito na umano’y para sa bayan.
Binigyan din ng Pangulo ng ultimatum ang mga ito ng isang taon para umayos dahil kung hindi aniya’y magtutuloy-tuloy ang bakbakan at manganganib na mauubos sila.
Mga sumukong NPA
Isandaan at pitumpu’t tatlong (173) miyembro ng New People’s Army o NPA ang naitalang sumuko sa loob ng tatlong buwan sa apat na batalyon sa ilalim ng 101st Brigade sa Compostella Valley at Davao del Norte.
Ayon kay 101st Brigade Commander Col. Erwin Bernard Neri, napapansin nila ang tila pagdami ng mga sumusukong NPA simula noong Oktubre.
Nabibilang sa mga regular na npa ang mga sumukong miyembro nito, sangay sa partido o ang mga masa sa komunidad at ang mga militia ng bayan o ang pinakababang armed group ng NPA.
Nakarekober din ang mga awtoridad ng mga armas na mula sa mga sumukong rebelde.
Pinag-aaralan na ng pamahalaan ng Davao del Norte at Compostella Valley ng pagtatayo ng “halfway villages” na siyang tutuluyan ng mga rebelde.
Tinutukan na rin ng Philippine Army ang mga dokumentong kakailanganin para mapagkalooban ng pinansyal at livelihood assistance ang mga sumukong NPA.
Samantala, bukas pa rin ang mga sundalo sa pagtanggap ng mga nais sumukong rebelde.
—-