Humingi ng tawad ang NPA o New People’s Army sa pamilya ng nadamay at nasawing apat na buwang sanggol sa pananambang ng grupo sa isang sasakyan ng pulis sa Talakag Bukidnon.
Ayon kay NPA Spokesman Jorge ka Oris Madlos, kanilang pinagsisisihan ang nakalulungkot at hindi nakatwirang kamatayan ng biktima dahil sa insidente.
Aniya, bagama’t alam niyang magiging mahirap para sa pamilya ng biktima ay sana tanggapin ng mga ito ang kanilang paghingi ng paumanhin.
Dagdag ni Madlos, ginagawa na rin ng kanilang local NPA unit ang magpaabot ng tulong at kompensasyon para sa pamilya ng biktima.
Giit ni Madlos, kanila nang iniimbestigahan ang insidente para maiwasang maulit itong muli sa hinaharap.