Hindi tatantanan ng Philippine National Police (PNP) ang pagtugis sa mga pinuno at miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) matapos na ideklara sila bilang terroristang grupo.
Ito’y ayon kay pnp chief P/Gen. Debold sinas matapos na maaresto nitong Miyerkules ang isang lider ng CPP-NPA na sangkot din sa kasong pagpatay o murder sa Quezon City.
Kinilala ng PNP ang naarestong NPA leader na si Allan Morales na kilala rin sa mga alyas na budlat, Joseph Erwin Rimando, Alvin Advincula at Dante Morales.
Inaresto si Morales ng pinagsanib na puwersa ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), National Capital Region Police Office (NCRPO) at Joint Task Force – NCR ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa bisa ng warrant of arrest.
Nakuha mula sa pag-iingat ni Morales ang iba’t ibang matataas na kalibre ng armas tulad ng isang submachine gun, kalibre 45 pistol, samu’t saring mga bala at isang granada.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, dating nagsilbi si Morales bilang kalihim ng regional committee ng Negros – Cebu – Bohol – Siquijor at Regional Peasant Sugar Workers Bureau ng Negros.
Nagsilbi rin si Morales bilang dating secretary ng regional committe ng CPP-NPA sa Central Visayas at National Youth Student Bureau Secretary ng komunistang grupo.