Patay ang isang pinuno ng New People’s Army (NPA) matapos maka-engkwentro ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya sa Makilala, North Cotabato.
Kinilala ni Eastern Mindanao Command ng AFP ang napatay na si Juanita Tacadao na kilala rin sa mga alyas na isay at maring.
Ayon kay 1002nd infantry battalion commander B/Gen. Adonis Bajao, sisilbihan sana ng warrant of arrest si Tacadao sa hideout nito sa Sitio Lacobe, Brgy. Malabuan sa nabanggit na bayan nang sumiklab ang limang minutong bakbakan.
Nahaharap kasi sa mga kasong murder at robbery si Tacadao na nagsisilbi ring logistics at finance officer ng local terrorist group sa lugar.
Nakita sa pinagtataguan ni Tacadao ang ilang matataas na kalibre ng armas, landmine, blasting cap at detonating cord.
Sa ikinasang follow operations ng mga otoridad, nakita sa isa pang hideout ni Tacadao sa Sitio Blazan sa bayan ng Malawanit ang iba pang mga armas, bala, granada, pagkain at mga subersibong dokumento.